“Waray paghuraw an uran ha kasing-kasing, Yolanda.”
Hindi ko alintana ang patak ng ulan, na para bang gumigising sa aking puso na muling balikan ang panahon ng pagragasa ng mainit na likido sa aking mga pisngi, at sa bawat pagbagsak nito, tila naririnig ko ang mga alingawngaw ng nakalipas—mga siphayo ng ating mga tahanan at kabuhayan na minsang niyapos ng bagyong Yolanda. Yapos na hindi ginhawa ang dala kundi marahas na mga gunita. Ngunit kahit pa binasag niya ang ating puso at nagpunla ng mapapait na alaala, nandito pa rin ang umaapaw na pag-asa na dahan-dahang bumubuo sa ating bagong simula.
Tulad ng maraming nasalanta na sinalubong ang hamon, saksi ako sa bawat pag-atake ng hangin, pati ang pag-alsa ng dambuhalang alon na tila may sariling isip, nagbabadyang lumamon sa lahat ng makakasalubong nito, na tila ba wala itong sinasanto. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, ang hangarin nating lahat na magpatuloy ang mas nangingibabaw. Bunga nito, natutunan kong lumangoy sa mga alon ng pagsubok, lumaban sa gitna ng unos, at hanapin ang liwanag sa kabila ng madilim na mga ulap na nagbabantang umulan.
Labing-isang taon na ang lumipas mula nang manalasa si Yolanda. Ngayon, sa anibersaryong ito, ating sariwain ang sugat na iniwan niya, sugat na hanggang ngayon ay hindi pa tuluyang naghihilom, na minsang nagwasak ng maraming buhay, pangarap, at pag-asa. Ngunit sa kabila ng mapait na alaala, nananatili ang ating tapang at pagtutulungan para sa mga nasalanta.
Sa bawat hampas ng alon, bumangon tayo, sa bawat patak ng ulan, mas tumatag ang ating kalooban, at sa bawat bugso ng hangin, ito’y nagsisilbing paalala na kailangan nating tumindig at lumaban.
Lumaban, sa kabila ng lahat.