Sa kampeonatong laban ng Men’s Badminton Samar State University Palaro na ginanap noong Martes sa Gymnasium, nagtagumpay ang koponan ng College of Industrial Technology (CIT) sa Men’s Badminton Championship, sa kabila ng ngipin-sa-ngiping tunggalian laban sa koponan ng Paranas.
Unang pumarada ang Singles Category A, kung saan nasungkit ni Arturo Tingzon ng CIT ang kampeonato matapos ang tatlong set laban kay Kenshin Ty ng Paranas Campus. Sa unang set ng laban, agad na nagpakita ng bagsik ang Paranas gamit ang mabilis nitong smash at mga nagbabalat-kayong drop shot na tila nagpagising sa manlalaro ng CIT.
Naging maingay ang tunggalian sa kanilang matinding rally kung saan nagpalitan ng mabibigat na palo ang dalawang manlalaro. Ngunit sa huli, nakuha ng CIT ang kalamangan sa pamamagitan ng isang mabagsik na drop shot, tinapos niya ang set sa iskor na 21-10.
Pagdaan ng ikalawang set, mas naging matindi ang labanan nang magsikap ang Paranas na makahabol. Bagama’t pursigidong humabol ang CIT, nagkaroon siya ng ilang net foul na nagbigay sa Paranas ng kalamangan. Sa set na ito, ipinakita ng Paranas ang kanyang liksi sa bawat tira, kaya at nakamit niya ang set na may iskor na 21-16.
Sa ikatlong set, isang mahigpit na tunggalian ang nasaksihan ng mga manonood. Lumipad ang sumasalubong na smash ng CIT, ngunit hindi rin nagpapatinag ang Paranas sa kanilang pamatay na footwork upang makontrol ang laro, kahit pa kailangan niyang dumapa sa sahig upang habulin ang shuttlecock.
Sa gitna ng gitgitang rally, nanaig ang CIT sa kanilang malulutong na palo sa bawat smash at drop shot sa iskor na 21-15, tuluyang kumambyo ang galing at nakuha ang panalo.
Pagdating ng Doubles Category A, muling pinatunayan nina Romeo Abanes at Emman Adel ng CIT ang kanilang lakas laban kina Kermeth De Guia at Leo Vincent ng Paranas. Sa tatlong set na labanan, unang nakuha ng CIT ang tagumpay sa iskor na 21-17 sa kabila ng mabilis na footwork ng Paranas.
Sa ikalawang set, bumawi ang Paranas at nagtapos sa 21-19. Gayunpaman, nanaig ang CIT sa ikatlong set, pinatatag ang kanilang depensa at lakas ng mga tira na nagtulak sa kanila sa tagumpay na may iskor na 21-12.
Sa pagtatapos ng kampeonato, ipinamalas ng CIT ang kanilang kasanayan at galing na humakot ng gintong medalya.
“Happy hin duro po kasi diri kami adto maaram kanina kun madaog kami kay nam mga kalaban mga dati tas may mga experience na ha higher meet so mas dako an ira advantage kaysa haam,” may nakasilay na ngiti itong pahayag ni Romeo Abanes, isa sa mga manlalaro ng College of Information Technology, ukol sa kanilang tagumpay.
talatag ni Brian Benedict Orlanda | The Tradesman
View all photos on Facebook at: SSU Palaro