Sa ginanap na Women’s Badminton Championship sa gymnasium noong Martes, nagningning ang mga koponan mula sa College of Arts and Sciences (CAS) at College of Nursing Health and Sciences (CoNHS) sa isang serye ng makapigil-hiningang mga laro.
Kasama ang mga masidhing tagasuporta, nasilayan ang husay at dedikasyon ng mga atleta sa iba’t ibang kategorya, mula sa singles hanggang sa doubles, upang maangkin ang kampeonato.
Pinangunahan ni Cindy Nabual ng CAS ang laro sa Category A Singles laban kay Sachi Cabangunay ng CoNHS. Sa unang set, namayagpag ang CAS sa iskor na 21-9, sinundan ito ng isang pangmalakasang 21-7 sa ikalawang set na nagpahayag ng kanyang malakas na kumpiyansa at pinalakas pa ng kanyang mga mapanlinlang na dropshot.
Gayunpaman, hindi nagpatinag ang CoNHS at ipinakita pa rin ang determinasyon sa kanilang paglalaro ngunit kinapos ng lakas upang humabol.
Sa ikalawang set, nagpatuloy si Nabual sa paghagupit ng magkasunod na smash at pamatay na mga shot, na nagdulot ng matinding hirap kay Cabangunay na habulin ang shuttlecock. Natapos ang laro sa pangunguna ni Nabual.
Sa Singles Category B, mas uminit ang laban nina Dimple Donaire mula CAS at Jenn Pancito ng CoNHS. Sa unang set, nagsimula ang labanan sa isang umaatikabong rally kung saan parehong humataw ang magkabilang panig sa kanilang maliksing footwork at dropshot.
Gayunpaman, sa kabila ng pagsisikap ng CoNHS na bumawi sa pamamagitan ng malalakas na smash, ito ay naging out kaya’t napanalunan ng CAS ang unang set sa iskor na 21-19. Sa ikalawang set, mas lumala ang tensyon nang magpalitan sila ng smash, na ikina-engganyo ng mga manonood.
Sa iskor na 20-20, sinubukan ng CoNHS na makalamang sa isang smash, ngunit lumampas ito, kaya’t nasungkit ng CAS ang tagumpay sa iskor na 22-20.
Umarangkada ang laban sa Category A ng Women’s Doubles, sa pagitan nina Catherine Papelerin at Hazel Noquiao mula sa CAS, laban sa koponan nina Valerie Bless Laodeño at Scyrll Gwynyth Dacuno ng CoNHS.
Sa unang set, bumandera ang parehong koponan sa kanilang malalakas na tira at nakakalitong footwork. Bagama’t nagpakita ng husay sa smashing at dropshot ang CAS, hindi nagpatalo ang CoNHS at siniguradong mas matibay ang kanilang depensa. Nakuha ng CoNHS ang unang set sa iskor na 21-11 at tinapos ang ikalawang set sa 21-18, sa kabila ng habol ng CAS.
Sa Women’s Doubles Category B, muling nagsagupaan ang CAS at CoNHS. Sa unang bakbakan ng mga raketa, nagpakita ang CoNHS ng kahanga-hangang teamwork, bagama’t nakalamang ang CAS sa ilang bahagi dahil sa pagkukulang ng CoNHS sa kanilang mga tira.
Subalit, bumawi ang CoNHS sa pamamagitan ng kanilang walang-humpay na smash at naging matagumpay sa pagtatapos ng unang set sa iskor na 21-16. Sa ikalawang set, hindi na nagpatinag ang CoNHS at nagwagi sa iskor na 21-9, na nagbigay sa kanila ng kampeonato sa kategoryang ito.
Nagtapos ang umaatikabong laban kung saan nasukbit ng CoNHS ang gintong medalya sa karamihan ng mga kategorya.
“We felt grateful and satisfied kay waray gihap na sayang an amon kaguol-anan ngan an gindesisyonan na line up kanina and also thankful gihap kami ha mga nagcheer kanina esp han mga taga conhs kay asya nagbulig ha am pagboost han amon confidence nga magdaog,” walang pagsidlan ang saya na pahayag ni Dacuno isa sa mga player ng College of Nursing Health and Sciences.
talatag ni Brian Benedict Orlanda | The Tradesman
View all photos on Facebook at: SSU Palaro