Magnitude 4.6
Magnitude 5.5
Magnitude 7.1
Ilan lamang sa mga lindol na yumanig ngayong Hulyo rito sa bansa.
Bilang nakapaloob ang bansa sa Pacific Ring of Fire o isang lugar na may malakihang dami ng mga kaganapang bulkan at lindol na nangaganap sa Karagatang Pasipiko, ay tiyak nang lumalagi ang mga paglindol.
Kamakailan, ang Mindanao ay nagtamo ng 7.4-magnitude na pagyanig na naging sanhi ng malalang pinsala sa lugar – bagama’t walang nasawi. Maliban sa mga paunti-unting paglindol, ang bansa ay pinagbabantaan ng “The Big One,” isang malakas na lindol na may potensyal na tumama sa Pilipinas at may nakawawasak na pinsala.
Ang “The Big One” ay isa sa mga ikinakabahala sa Pilipinas. Sa pangalan pa lamang nito, ay tiyak nang nakakaalarma. Ilan sa mga lindol na tumatak sa kasaysayan ng pinakamalalakas na lindol sa Pilipinas ay noong 1976 sa golpo ng Moro (7.9 magnitude, 17,000 nasawi) at noong 1990 sa Luzon (7.8 magnitude, 4,390 sugatan, 1,283 nasawi). Kapag mangyari ang “The Big One,” ito ay maaaring magkaroon ng 7.2 magnitude sa West Valley Fault (WVF), isa sa pangunahing fault ng Fault Valley System na dumadaan sa mga siyudad ng Metro Manila, na posibleng makapatay ng mahigit-kumulang 34,000 katao at magtamo ng 114,000 na sugatan. Ang pag-aaral sa “The Big One” ay nakasaad sa Earthquake Impact Reduction Study for Metro Manila na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at pinagaralan noon pang 2004.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang pinakahuling naitala na paggalaw ng WVF ay noong 1658, mahigit 400 na taon na. Pinapahiwatig nito na maaari na tayong makaranas ng isang malalang paggalaw ng fault. Binigyang diin din ito ng Department of Science and Technology-PHIVOLCS at pinaalalahanan ang publiko na ang mga aktibong fault na hindi nagkaroon ng malakas na pagyanig ay may posibilidad pa ng mas malakas na paglindol na maaaring makaapekto sa buong National Capital Region (NCR) at sa lugar na nakapalibot dito.
Hindi handa ang Pilipinas.
Bagama’t hindi masyadong malala ang 7.2 magnitude, maaari itong maging sanhi ng malakas na pag-alog hanggang 8.5 at magkaroon ng paggalaw sa WVF na maging dahilan ng mas malalang pinsalang hindi napaghandaan ng bansa.
Ang hindi kahandaan ng Pilipinas ay nag-uugat sa maraming dahilan pero ang nangunguna ay ang kahinaan sa ekonomiya. Ang bansa ay isang “developing country” o isang bansang may mababang antas ng dami ng mga bagay na pangkapakanan at, ayon sa isang ulat mula sa UN International Children’s Emergency Fund (UNICEF), ang pandemya ay nag-iwan ng 18% (20 milyon) ng populasyon sa kahirapan. Ang kahirapan ay isa rin sa malalaking salik sa kakulangan ng pagresponde pagdating sa mga sakuna. Ang mahinang pamamahala ng gobyerno na nag-aambag sa paglala ng sitwasyon.
Ngayon, ang banta ng “The Big One” ay dumadagdag sa kahinaan ng mga taong nasa laylayan ng lipunan, na lalo nang nagpapahamak sa kanilang mahirap na kalagayan. Ang kakulangan sa angkop na tirahan at imprastraktura ay naglalagay sa kanila sa harap ng mga ‘di inaasahang panganib.
Kahandaan laban sa kakulangan.
Sa kasamaang-palad, wala sa kasalukuyang teknolohiya ang maaaring tiyak na magpahayag ng eksaktong oras, petsa, at lokasyon ng malalaking lindol. Ang mga siyentipiko ay maaaring tantiyahin ang panahon ng pangyayari ng mga lindol, na tinutukoy bilang average na pagitan ng panahon sa pagitan ng mga pangyayaring lindol. Tulad ng nabanggit kanina, ang Pilipinas ay sanay na sa mga likas na kalamidad, at dahil malapit ito sa aktibong mga pagkakasira ng lupa, ang mga lindol ay hindi na bagong pangyayari.
Dahil sa kahirapan, kakulangan ng mga mapagkukunan, hindi sapat na pagpapaunlad ng imprastraktura, kawalan ng katatagan sa mga patakaran, at mga pagkakapantay-pantay sa lipunan na ilan lamang sa mga sanhi ng kahinaan ng bansa sa harap ng mga mapaminsalang likas na panganib, kinakailangan ng mga Pilipino ang isang estratehiya na hindi lamang mag-aahon sa mga pinakamahihirap mula sa kahirapan kundi magpapalakas din sa bansa laban sa darating na panganib ng isang ‘di inaasahang lindol.
Mahalaga na magkaroon ng paghahanda. Ang magagawa na lang natin ay magdaos ng regular na earthquake drill sa mga eskuwelahan, mga ospital, at mga tanggapang pribado at publiko. Dapat ding inspeksiyunin ang mga gusali para matiyak kung kakayanin pa ng mga ito ang magnitude 7.7 o mas malakas pa. Simulan ang pagsasanay sa pagtama ng lindol at baka dumating ito sa ‘di inaasahang pagkakataon.