At kung nabigo sa pakikibakang taya ang bukas at kung ang bandila’y tumihaya na nang tuluyan, huwag manghinayang sa mga itinarak sa hapag ng pamumuhunan sa kinabukasan.
Alalahanin na hindi labis at hindi sayang ang sentimong inilatag. Marahil, hindi sapat ngunit hindi katumbas ng kawalan ang kakulangan. Kung hindi sumang-ayon ang kapalaran sa isang pagkakataon o sa marami pang pagkakataon, ilaan lamang ang natitirang lakas para sa panibagong kabanata ng pag-aalsa at magbalik nang mas higit pa sa adhika ng aninong nauna.
Isaisip na ang paglaya mula sa pagpupunyagi ay hindi pagkapiit sa kawalan. Marami pang bukas ang magbubukas. Sa ngayon, mamahinga at huminga muna mula sa pagsulong at pagsugal. Maipupunla ring muli ang bandila at matatamasa ang kakaibang paglaya.
Hindi naman kasi araw-araw ang swerte ng kamalasan. Kaya nating makipagsapalaran. Kaya nating dumatal sa katapusan.
Tandaan na may mga tangan tayong kaya tayong ipagwagi.