nakakapanghina, tila nabigo ako sa aking paninindigan at inubos nito ang enerhiya na buong buwan kong inipon. ngunit ngayong araw, wala naman akong inabala tanging ginawa ko lang naman ay makinig habang tinatanong ko sa aking sarili kung makakaya ko pa ba, kung nanaisin ko pa bang lumaban, kung patuloy pa din ba akong maninindigan.
kung aabot pa ba ako sa hulihan?
nagsitayuan ang aking balahibo, animo’y lalabas na ang mga ugat sa aking sentido sapagkat hindi ko mapigilang hindi indahin at isipin na nasasaktan ako. nauubos ako nang dahan-dahan, dahil lamang nagdadalawang isip ako sa aking kakayahan. masyadong nakakadurog isipin na umaabot na ako sa sitwasyong lahat ng desisyon ko ay hindi sigurado at malapit sa pagpalya.
ngunit mayroon din sa isip ko ang hindi magpadala sa aking mga pangamba, ang hindi magpasakop sa samu’t saring “baka.”
na ang gawin ko nalang ay manalangin, at buong tapang sa sarili ay magtiwala.
#LiteraryTrade
piyesang ambag ni Asel Dela Peña