(TW: Depiction of fire)
Tuwing Marso sa Pilipinas ginugunita ang Buwan ng Pag-iwas sa Sunog o Fire Prevention Month – isang maganda oportunidad upang magkaroon ng diskusyon at magbigay kamalayan patungkol sa mga sanhi at panganib ng sunog.
Sa pagpapatibay ng Proclamation No. 115-A, na nilagdaan ni dating pangulong Ferdinand E. Marcos at Proclamation No. 360 noong 1986, idineklara na ang buwan ng Marso ay ang Buwan ng Pag-iwas sa Sunog.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang temperatura at alinsangan ng panahon ay nagsisimula nang tumaas at dahil sa init at tagtuyot ay nakapagtatala ng mas mataas na mga kaso ng sunog sa ating bansa.
Ang Marso ay kilala bisang isa sa mga maiinit na buwan sa Pilipinas at nagiging palatandaan na ang panahon ng pantag-araw ay nagsisimula na. Ito rin ang buwan na nakapagtatala ng mas malalalang kaso ng sunog katulad ng kaso nuong nakaraang ika-30 ng Marso 2023, sa katimugang bahagi ng isla ng Basilan kung saan umabot ng 31 ang namatay sa naturang insidente.
Habang ating inoobserba ang taunang kampanya sa pag-iwas sa sunog ay dapat tayo ay maging listo at madagdagan pa ang ating dunong sa mga hakbang upang maiwasan ang sunog.
Upang maging ligtas ang buong pamilya sa panganib dulot ng sunog, narito mga paalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA):
- Hugutin sa saksakan ang mga appliances at patayin ang gas stove at LPG tank kung hindi ginagamit.
- Iwasan ang eletrical overload.
- Huwag mag-imbak ng mga bagay na maaaring maging sanhi ng sunog katulad ng oil o gas lamp at pintura.
- Ilayo sa mga bata ang maaaring pagsimulan ng sunog gaya ng posporo at kandila.
- Alamin ang paggamit ng fire extinguisher.
- Ilista ang mga emergency hotlines sa inyong lugar.
Palaging tandaan na magandang mas listo at may kaalaman tayo sa pag-iwas kesa sa pagpapagaling. Sama-sama nating kamtan ang bansang malayo sa sunog sapagkat “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa.”