“Walang maitutugon ang wika sa tanong ng pag-ibig buhat sa isang sulyap na kumikislap o palihim. Sa halip, sumasagot ang ngiti, ang halik, o ang buntong hininga.”
– Jose Rizal
Utak na singtalim ng bolo, kamay na singtalas ng espada, at tapang na singtulis ng kutsilyo ang siyang kalasag sa kalayaang isinulong kapalit ng buhay. Siya si Rizal, ang bayani na nagsulat ng mga taludtod na sumasalamin sa ating bayan at titik na nagkuwento ng ating himagsikan.
Ngayong buwan ating gunitain ang kabayanihan at kaluwalhatian na inalay ng ating bayaning doktor, pilosopo, at manunulat na nagpasimula ng rebolusyon upang palayain ang bayang nakagapos sa tanikala ng pagka-uripon sa kamay ng mga dayuhang Espanyol.
Ito ay ayon sa Proklamasyon Blg. 126 s. 2001 sa kapangyarihan ni Pangulong Gloria M. Arroyo na ang buwan ng Disyembre ay ang paggunita sa kabayanihan ng ating Pambansang Bayani na si Gat Jose Rizal. Kaya’t mas lalo nating pasiklabin ang legasiya na inukit sa mga papel at iginuhit sa mga palad ni Pepe.
At sa panahong ito nararapat nating bigyan ng respeto at pagmamahal ang pagiging martir at huwarang tagapagligtas ng bayan. Dahil ito ang naging susi sa pagmulat ng mga matang pumikit ng daang daang taon at mga tuhod na tumiklop sa gitna ng pagkalugmok. Siya lamang ang isang bayani na tinta ang ipininta sa larawang uhaw sa kalayaan.
Siya si Rizal, ang bayaning naging susi ng himagsikan.
Mabuhay ang inang bayan, mabuhay ang pambansang bayani, at mabuhay si Gat Jose Rizal!