Chiki-chiki-chiki! Bom-bom-bom!
Disyembre 16 nang sumapit ang takipsilim dala nito’y ihip ng malamig na hangin na mistulang kumot na yumakap sa aking mga bisig. Nagsimulang sumilip ang mga bituin na nasa langit na nagbigay liwanag sa gabing madilim. Noong kamay ng orasan ay tumutok sa katapat ng alas dose na siyang naging hudyat na simula na naman ang paskong aking pinakahihintay.
“Maupay! Pwede mangaroling?” Tanong ng mga batang gustong umawit kahit sintunado ang boses. Bitbit ang tambol at tamborin na siyang gumagawa ng tugtugin at may sinulat na liriko na siyang tanging baon. Bakas sa mga mata nila ang regalong saya, handog nila ay ang tinig ng pag-asa at sa munting kakayahan na pagmamahal ang dala.
Sa patuloy na ingay na dala ng mga bata, sari-saring klase ang nakita kong nangangaroling, yung iba ay grupo-grupo kasama ang mga kaibigan, mayroon namang dalawa-dalawa kasama ang ka-ibigan. Kahit kakaunti o maramihan, isang ingay lamang ang kanilang ginagawa na kayang magpalalim ng aking tulog.
Ito ang simula ng paskong aking kinagisnan – ingay ng mga batang nagsasaya sa labas, dagundong ng mga karaokeng pampasko ang tugtugin, at ihip ng hangin na hatid ang mabangong lutuin.
Sa unang gabi ay ang unang lundag ng kagalakan sa aking puso, bahagyang nalilimutan ko ang mga gawaing pampaaralan dahil sa tuwa na bigay ng gabing ito. Kahit nakasilip lang sa pintuan, tanaw ko naman ang masasayang mukha na nagpapabuhay sa gabing madilim at mga talang umiilaw sa kinurtihang pulang bintana.
Iba talaga ang dating ng ikalabing-anim ng Disyembre. Hindi pa naman Pasko ngunit hatid nito’y ngiti sa aking labi, dulot nito ay pag-asa at hatid nito ang masasayang simula ng aking pasko. Wala pang handa ngunit binusog na ako ng ikalabing-anim nga Disyembre.