Nagluto ang Ate ng manok na tinola,
sa bahay ng Kuya ay mayroong litsonan pa,
ang bawat tahanan ay mayroong iba’t iba.
Tayo na, Tradies, magsalo na tayo dahil isang araw na lang at ang pasko ay sasapit na!
Nakasanayan na ng mga Pilipino na gunitain ang bisperas ng gabi bago mag pasko ng isang handaan, simple man o engrande at kasapi na ng mga mahahalagang tradisyon sa ating kultura ang Noche Buena.
Nagsimula ang Noche Buena noong ika-16 na siglo nang inobliga ng mga prayleng Espanyol ang mga Pilipinong mananampalataya na mag-ayuno hanggang sa umaga ng Pasko, at dahil sa gutom matapos dumalo sa pang-hatinggabing misang Pamasko, palihim silang nagdaos ng kapistahan bago matulog.
Salo-salo
Ito ang inaasahan sa tuwing gabi ng ika-24 na ng Disyembre. Magtitipon-tipon ang bawat pamilya at mga kaibigan sa hapag upang maghanda ng mga malalasang pagkain at upang magsikain ng sabay-sabay. Minsan kahit pa simple o paisa-isa lang ang maihahain, ay pinapahalagahan parin ng bawat isa ang espesyal na araw na ito na magkakasama ang lahat.
Pagbabahagi
Sa Noche Buena ay nagkakaroon din ng kumustahan at kwentuhan, lalo na kung minsan na lamang kung magtipon-tipon ang mga kasapi ng pamilya. Dito na lumalabas ang kasiyahan ng pagsasama-sama, pati na rin ang kalungkutan na dulot ng pangungulila sa mga nagdaang taon na hindi nagkita. Malinaw ang ngiti sa mga mata at labi lalo na at sila’y masisilayan nang muli. Nandito na rin ang pamilyar na tawanan at ingay na minsa’y nawala sa tahanan.
Higit pa sa pagsasalo-salo sa masasarap na pagkain at masasayang kwentuhan, ginugunita rin ng Noche Buena ang “magandang gabi” nang isilang ni Birheng Maria si Hesus. Kaakibat nito ang antisipasyon sa pinaka-importanteng okasyon para sa mga Katoliko – ang Pasko. Mas pinaigting pa ang kasiyahang dulot ng pagsasalo-salo dahil ipinagdiriwang natin ang isa’t isa.