Kumukuti-kutitap, bumubusi-busilak
Ganyan ang indak ng mga bombilya
Isang higanteng bituing umiindak sa tugtugin, ilaw niya’y iyong dinggin at kulay niya’y tiyak magniningning.
Siksik liglig sa saya ang handog ng Ligligan Parul, isang selebrasyon ng kultura at kagalakan na tanda ng ating pananampalataya.
Lingid sa kaalaman ng ating mga mata, unang umusbong ang pista ng mga parol sa Bacolor, ang unang sentro ng probinsya nga Pampanga. Ipinagdiriwang ito ng mga katoliko kasabay ng parada ng mga parol, dala ang mga imahe ng mga Santo.
At noong 1906, Ang San Fernando ang naging sentro ng Pampanga na siyang nag patuloy ng Ligligan Parul na kilala natin ngayon. Inadorno ng capiz shells at papel de hapon na siyang pangunahing kagamitan sa paggawa ng parol.
Binigyan ng panibagong mukha ang Pista ng mga parol sa siyang naging susi sa pagkilala sa Pampanga bilang Christmas Capital of the Philippines. At isang tanda na ang bituing maningning ay kayang ilawan ang madilim na pagsubok na bumalot sa buhay ng mga Kapampangan.
Ang Ligligan Parul ay hindi lamang tumatayong simbolo sa Pasko ngunit ito ay naging paalala sa pag-asa, katatagan at pagbabago na siyang nanatiling tumayo sa gitna ng pagsubok.
Ngayong taon ang ika-150 na taong ipinagdiwang ang Giant Lantern Festival na nagpailaw ng ating mga mata, gumuhit ng ngiti sa ating bibig, at ang nagmarka ng saya sa ating puso. Isang daan at limampung kwento, aral, at ligaya ang iniwang legasiya ng Ligligan Parul.
Ang bombilya niya ay kumikinang sa pagsapit ng takipsilim, kahit binalot ng dilim, ganda niya’y magniningning.