Hindi makukumpleto ang handaan sa Pasko kung ang hugis bilog na ipinipwesto sa pinakagitna ng lamesa ay hindi makikita.
Sa mga kwentong Noche Buena, hamon ang bidang pagkain sa bawat hapag. Pinag-iipunan, iniluluto sa mamahaling makinarya, at ipinipresenta sa pinagamagandang paraan. Ganito rin ito ipakita sa mga patalastas, itinatanghal pa sa saliw ng tugtuging pamasko habang dahan-dahang inilalatag sa lamesa. Mistulang bida sa pelikula- ganito nalang marahil ang paghahanda sa kanya sapagkat sa paniniwalang Pinoy, nasa kanya ang linamnan ng swerte.
“Malas!” sabay sa pagkapatay ng telebisyon ang pagsigaw ng ina ni Ben. Nawalan na naman kasi sila ng kuryente.
“Kung kailan magpapasko…” napabuntong-hininga na lang si Ben. Kita pa rin naman ang pagkalungkot nito ngunit hindi gaya noong bata pa siya ang ipinapakita niyang emosyon. Marahil ay nasanay na siya sa ganitong balangkas ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Sariwa sa alaala ng binata ang mga nakaraang paggunita sa araw ng Pasko. Kung pagtutuonan, mababanaag sa kaniyang balintataw ang mga eksenang kumakahon sa kaniya sa kung paano salubungin ang alas dose ng hatinggabi ng ika-25 ng Disyembre.
Ibang klaseng hamon ang nakalatag sa kanilang lamesa.
Nakaangkla sa kaniyang sistema ang kakaibang pagdiriwang- nakagapos sa tanikala ng kakulangan at kahirapan.
Sa halip kasi na handa sa Noche Buena ang pinagsasalo-saluhan ng kanilang pamilya, maliit na banig ang pinagbabahagian at mga panaginip ang sabay-sabay nilang ninamnam. Kung ang kanilang mga kapitbahay ay nagkakasiyahan at nagbibigayan na ng mga regalo’t aguinaldo, mahimbing na tulog na animo’y ordinaryong araw lamang ang paraan ng kanilang pagdiriwang.
“Kahit pansit lang sa susunod na Noche Buena,” munting kahilingan ni Ben habang sinisilip ang mga isang tala mula sa butas ng bubong.
“Matulog kayo nang maaga, mga anak para maaga tayong makapamasko bukas,” saad ng ina ni Ben at sabay ihip sa mga kandilang nagbibigay liwanag sa kanilang tahanan.
Tuwing pasko, kumukuti-kutitap na pondeng bombilya o ‘di kaya’y bumubusi-busilak na apoy ng lampara ang nagsisilbi nilang ilaw. Paminsan-minsan mang nasisilayan nang malinaw ang simpleng pamumuhay, madalas pa rin ang dilim dala ng alon ng buhay.
“Ma, may kuryente na! Hindi na brownout!”
At unti-unting gumuho ang kapaligirang binabalikan ni Ben nang marinig niya mula sa kusina ang sigaw ng kaniyang kapatid. Muli siyang bumalik sa kasalukuyan at nagising sa reyalidad.
Dalawang dekada na rin mula nang makalaya ang kanilang pamilya sa mapapait na hamon ng buhay. Hindi na sunog at hindi na hilaw ang kasalukuyan nilang sitwasyon ngunit ang nakaraan ang nagsisilbi nilang himpilan upang maging mapagmithiin at mapagpasalamat sa buhay.
Ngayon, ibang klaseng hamon naman ang nakalatag sa kanilang lamesa.
Kagaya nila, sana sa pasko, hamon na rin ang nakalatag sa lamesa ng bawat pamilya at hindi hamon ng karalitaan na dumadapla ng mga lamesa.