Matagumpay na inilunsad ang Miting de Avance alinsunod sa taunang halalan ng University Student Council sa pangunguna ng Commission on Elections at The Tradesman sa SSU Gymnasium hapon ng Oktubre 17.
Dinaluhan ng opisyal na mga kandidato mula sa Dignified Alliance for Student-Welfare, Independence and Good Governance (DASIG) at ng mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang departamento ng paaralan ang nasabing gawain.
Ayon sa Artikulo 8, Seksyon 2 ng USC constitution and by-laws (CBL), nakabase sa Plurality System ang pagkapanalo ng bawat kandidato kung saan sinumang makakakuha ng mas maraming boto laban sa ibang kandidato ay siyang ihahalal sa USC.
Samantala, ang umiiral na CBL ay hindi isinasaalang-alang ang posibilidad na magkaroon ng halalan na may nag-iisang partidong tatakbo nang walang katunggali. Kung kaya, sa kasalukuyang eleksyon, ang bawat tumatakbong kandidato na makatatanggap ng kahit isang boto lamang ay maihahalal sa USC bunga ng kawalan ng kalabang partido.
Magkaagapay ang bawat kandidato mula sa DASIG party sa pagtakbo para sa kani-kanilang mga posisyong nais na makamit sa pamumuno ni Psalmer Dave Gulla—tumatakbo bilang Pangulo mula sa College of Arts and Sciences at Christian Jack Montejo—tumatakbo bilang Pangalawang Pangulo mula sa College of Education.
Ipinakita at ipinaalam ng bawat kandidato ang kani-kanilang mga adbokasiya at plataporma na sinundan ng mga tanong mula sa “Tradesmen Ask” kung saan inilahad nila ang kanilang sagot sa iba’t-ibang tanong na anonimang isinumite ng mga mag-aaral.
Sumunod sa nasabing gawain ang DagliTalks kung saan binigyang pagkakataon ang mga kandidato na bumoto kung sila ay sumasang-ayon, hindi sumasang-ayon, o mag-abstensiya sa iba’t-ibang mga isyung lokal at nasyonal.
Binigyang pagkakataon din ang mga dumalo sa kaganapan na ilahad ang kanilang mga tanong sa mga kandidato bilang pagtatapos ng nasabing gawain.
litratong kuha nina Tricia Buenaventura, Franklyn Eclipse, Dan Johann Maribojoc, Imeivy Cabalhao | The Tradesman
View all photos on Facebook at: The Tradesman – 𝐁𝐀𝐋𝐈𝐓𝐀 | SSU-USC ’24: Idinaraos ang Isang… | Facebook