Sa kabila ng pagkaantala dulot ng nagdaang kalamidad, muling umiral ang pwersa ng bawat raketa ang laban sa Samar State University (SSU) Palaro, lalo na sa larong badminton para sa men’s at women’s division. Hindi napigilan ng bagsik ni bagyong Kristine ang liksi ng mga manlalaro, lalo na’t patuloy ang umaatikabong labanan sa elimination rounds na nagpadagundong ng buong Gymnasium, Oktubre 28.
Masidhing labanan para sa kampeonata, nagpamalas sa Women’s Badminton
Sa kategorya ng singles ng Women’s Badminton (Category A), nanaig ang paspasang footwork ng College of Nursing and Health Sciences (CoNHS) laban sa College of Industrial Technology (CIT) sa dalawang laban nito na nagtala ng 35-18 at 35-15 na iskor, habang bumandera din ang College of Arts and Sciences (CAS) laban sa Mercedes (35-4) at CoNHS sa Paranas na lumagapak sa iskor na 35-21.
Sa semi-finals, inabando ng CAS ang Paranas sa score na 35-12, na siguradong umukopa ng bronseng medalya sa Paranas at nagbigay-daan sa CAS na magpatuloy para sa kampeonato.
Sa kategorya ng doubles ng Women’s Badminton, rumagasa ang lakas ng CAS sa kanilang tatlong sunod-sunod na panalo laban sa Mercedes (35-20) at College of Engineering (35-19, 35-12). Sinupalpal rin ng CoNHS ang Paranas na nagtala ng 35-18.
Dumaan ang semi-finals, at naging mas agresibo pa ang CAS nang padapain nila ang Paranas sa iskor na 35-23, kaya’t nakamit ng Paranas ang bronseng medalya at magpapatuloy ang CAS patungo sa laban para sa kampeonato na aabangan bukas, Oktubre 29.
Hindi magkamayaw ang hiyaw ng mga manonood sa loob ng Gymnasium sa gitgitang laban ng bawat team at nagbigay ng sigla at pananabik sa kampeonatong laro.
Dikdikan ng raketa, bumandera sa Men’s Badminton
Sa unang bahagi ng pagpapalitan ng pwersa nagkaroon ng mahigpit na balasik ng drop shot sa singles (Category A) ng umaga, kung saan dinomina ng CIT ang CAS sa dalawa nitong laro na nagtala ng 35-16 at 35-32 na iskor.
Bumandera naman ang College of Education kontra Mercedes sa iskor na 35-8, at inungusan ng CoEng’g ang CoNHS sa iskor na 35-21.
Sa doubles, rumagasa ang ngipit-sa-ngiping laban sa pagitan ng CIT at CAS, 35-32, habang patuloy ang pagwagayway ng CoEd kontra Mercedes sa iskor na 35-14, at CoEng’g laban sa CoNHS sa iskor 35-19.
Sa ikalawang parte ng umaatikabong laro ng singles (Category A), muling nagharap ang CoEng’g at CoEd, kung saan ang CoEng’g ang nanaig sa iskor na 35-21.
Gayundin, dumepensa ng maigi ang CIT sa Paranas at naiwan ito sa iskor na 35-21 at hindi naman nagpagapi ang CoEd kontra CAS na nagtala ng iskor na 35-12.
Sa Category B, nagpamalas ang bawat koponan ng pagpapalitan ng bumubulusok na smash galing sa Paranas at CoEd ngunit matagumpay na nanaig ang Paranas sa iskor na 35-31, at sa semi-finals, muling nagningning ang Paranas laban sa CoEd sa iskor na 35-14.
Para naman sa doubles, nagtamo ng pagkapanalo ang CoEd laban sa CoEng’g sa iskor na 35-20, at masidhing lumamang ang CIT kontra Paranas sa iskor na 35-24. Umangat din ang CoEd sa matinding rally kontra CAS sa iskor na 35-31, at ang pagdomina ng CoEd laban Paranas sa iskor na 35-21.
Sa muling pagpapatuloy ng SSU Palaro hindi maikakailang nananatiling matindi at masiklab ang pagtutuos ng bawat koponan na patuloy na masasaksihan bukas sa pagpapatuloy ng bawat laban tungo sa kampeonato.
litratong kuha nina Franklyn Eclipse, Bruce Raphael Versoza, Julie Ann Macagga, Joseph Sabilona | The Tradesman
View all photos on Facebook at: SSU Palaro