Bagong babae ang hinirang ng bato upang alagaan at protektahan ang sangkatauhan. Likas sa kanya ang pagtulong sa kapwa at pagbibigay sakripisyo alang-alang sa iba. Mababanaag sa kanyang mga mata ang kislap ng buwan, itim na buhok na tila langit sa pagsapit ng takipsilim, mga labi na naging inspirasyon sa iilan at marahuyong kagandahan na mistulang araw kung sumikat.
Siya ang bagong itinakda ng mahiwagang bato na gagampanan ang pagiging studyante, ina, asawa, lider, at all-time raketera. Linabanan niya ang samot-saring kalaban na gustong tumibag sa kaniyang kompyansa at sa mga matang mistulang ahas ni Valentina kung makapangkutya. At sinuong niya ang higanteng delubyo ng buhay na bumuo sa kaniyang tatag at tapang na naging rason ng bato upang siya ang maging tagapangalaga nito.
Ang makabagong Narda na itinakda ng propesiya ay nagkukubli sa simpleng katauhan ni Sunshine Cruz. Karugtong ng kaniyang buhay bilang tagapagligtas ang pagiging ina, asawa, studyante, lider, at raketera na siyang sumubok sa kaniyang katatagan at nagpanday sa kaniyang puso na maging mabuting modelo at inspirasyon sa paraan na alam niya.
Bilang mag-aaral ay hindi madali para sa kaniya, lalo na kailangan niyang ihinto ang kaniyang pangarap sa unang pagsubok. Ngunit hindi ito naging hadlang upang talikuran ang pangarap na nakaukit na sa kaniyang palad. Ang pagiging estudyanteng ina ay dedikasyon at papupursige sa edukasyon upang mapagtagumpayan ang minimithing kinabukasan. Pangarap niya ang masiguro ang kaniyang edukasyon at magandang hinaharap para sa kaniyang pamilya. Ang bagong yugto na kaniyang tinahak at ipinagpatuloy ay hindi lamang nagbigay ng panibagong pagsubok bilang mag-aaral, ngunit sumubok nito ang tenacity at fortitude na taglay ng isang ina. At sa kabila ng lahat ng bagyo, ang martsa na hinihintay ay papalapit na sa kaniyang kanlungan na magbubukas ng panibagong pahina ng kaniyang buhay. Paalala ni Shine na ang pagiging ina ay hindi hadlang sa pagsungkit ng mga pangarap. Ang kaniyang mga anak ang naging inspirasyon sa pagpupursige araw-araw upang maging ina na tatanawin ng kaniyang mga anak balang araw.
Ang kaniyang lakas ay hindi lamang nagpapamalas ng pagiging matatag sa pag-aaral, tinawid niya din ang pagiging pinuno ng kaniyang kapwa mag-aaral. Ang kaniyang ginintuang lubid ay siyang nagbigkis upang ipagkaisa ang komunidad ng College of Industrial Technology (CIT) ng Samar State University (SSU). Sa kaniyang muling pagsubok ng kolehiyo noong 2019, isa siya sa mga stewards ng NSTP. Nang lumaon siya ay hinirang na board member ng CIT Provincial Government at sa taong 2021 sa gitna ng pandemya, nakamit niya ang pagiging kinatawan ng CIT sa University Student Council at nakamit ang Leadership Awardee bilang pagkilala sa mga natatanging namumuno ng unibersidad. Sa taong 2022, siya’y napili bilang Vice Governor ng CIT Supreme Student Council, Presidente ng Campus Ministry at naging Vice President ng Psychosocial Peer Support. Hindi dito nagtatapos ang lahat dahil siya ay napusuan ng sangkatauhan bilang Outstanding Female Participant of the Year in Resilient Training sa taong 2023 at siya din ang sumunod sa yapak na maging Presidente ng CIT Supreme Student Council. Dahil dito, isa siya sa naging kinatawan ng unibersidad na ipinadala sa Visayas State University (VSU) para sa isang seminar workshop.
Hindi naging madali ang pagtungtong muli sa kolehiyo at ipagpatuloy ang naudlot na karera ng buhay ngunit ng dahil sa likas na kakayahang maging pinuno at tatag na binigay ng mahiwagang bato, unti-unti niyang napagtagumpayan ang lahat ng balakid sa mundo. Hinarap niya ang mga pagsubok upang malinang ang kaniyang kakayahan at maging handa sa hamon ng buhay.
Ika nga niya na, “Your potential knows no bounds, and every step forward is a victory.” Naniniwala siya na kung kaya niya, ay kaya din ng lahat kung maniniwala ka sa iyong potensyal. Hindi lang tayo estudyante, kaya natin magpabago ng positibo sa mundo at kaya nating baguhin ang ating sarili.
Hindi lamang ang pagtulong sa kapwa mag-aaral, pagiging ina at asawa ang inatas ng propesiya sa pangangalaga ng bato, binaybay niya rin ang mundo ng pagtratrabaho upang makapagtustos sa kaniyang pag-aaral at sa kaniyang pamilya. Siya ay nagsilbing scooper ng mga catering services, encoder, cleaner, student researcher, at student assistant. Binigyan niya ng oras ang lahat ng ito dahil sa kagustuhan na makapagtapos ng pag-aaral. Nakakapagod kung iisipin, ngunit ito ang kaniyang motibasyon upang bigyan ang kaniyang mga anak ng magandang kinabukasan. Naniniwala siya na lahat ng kaniyang sakripisyo ay magdudulot ng magandang epekto sa hinaharap.
Ding, ang bato…
Bato na sumisimbolo ng lakas at tapang ng isang babae. Bato na nagbibigay ng panibagong katauhan upang harapin ang kasamaan ng mundo. Ito ang naging inspirasyong ni ate Shine upang liparin ang himpapawid ng pagiging ilaw ng tahanan, sisirin ang pagiging estudyante, at subukan ang pagiging all-time raketera. Gaya ng bato, si Ate Shine ay may lakas at tapang gaya ni Darna at mayroong maraming katauhan higit na mayroon si Darna. Si Narda ay binago ng bato at si Shine ay binago niya ang kaniyang sariling kakayahan dahil sa kaniyang paniniwala at pagtitiwala. Naging malupit man ang buhay sa unang pagkakataon, hindi ibig sabihin na wala nang pangalawang pagkakataon upang subukan muling mangarap. Maniwala at manitiling magtiwala sa sarili sapagkat ito ang susi upang mapagtagumpayan ang mga pangarap.