mahal kong tinatangi,
ang mga araw ay lumilipas, umuusad ang oras, at nag-iiba ang petsa subalit ako heto pa rin, hibang at ‘di ka malimutan.
hindi ako naniniwala sa mga gayuma pero ngayon mukhang magbabago ang isip ko. isipin mo kasi, hindi sa pangungutya pero hindi ka naman kagwapuhan. hindi matangos ang iyong ilong, hindi ka naman maputi at hindi ka rin matangkad. kung titingnan sa ibang lente’y ikaw ang lalaking hindi ko kailanman magugustuhan. hindi ko nga alam kung bakit nakuha mo ang kiliti ng mailap kong puso, hindi ko alam kung bakit ito laging nais na makita ka, lumilinga-linga malapit sa registrar, tumitingin-tingin sa kaparehong sabitan ng iyong ID, tinututukan ang kapareho mong porma at laging sabik dahil sa posibilidad na tayo’y magkita sa campus.
kailan nga ulit tayo huling nagkita? iyong oras na hindi ako umasang nandoon ka pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagtagpo ang ating mga mata ng ilang segundo. kumalabog ang aking puso, bigla akong namawis, iniwas ko ang aking tingin, nagkunwaring hindi ako naapektuhan subalit bago ako matulog nang araw na iyon ay nagsisi akong hindi kita tiningnan nang matagal dahil tiyak ilang pagkakataon na naman ang dadating na hindi kita muling masisilayan. nakalilito ba ako? ako rin eh, nalilito na rin ako sa mga gawi ko. hindi naman ako ganito dati, ikaw lamang ang nagpalabas ng katangiang hindi ko inaasahang mayroon ako. kasalanan mo na naman. nakakaumay ka na.
sana sa panibagong kalendaryong ipalit ni mama sa nakasabit sa pader, sana’y magbago na rin ang pintig ng aking puso sa tuwing nasisilayan ka.
nagmamahal,
sunshinee
To our sender, let the “what ifs” fade into cherished memories and feel the bittersweetness. For now, we hope you find happiness independent of fleeting glances.