Patotoo ng malayong inilakbay ang mga yapak sa magkabilang dulo ng pasilyo—
Sa paradang inialay para sa minimithing himpilan; sa prusisyong sinimulan nang nagliliyab ang kinang ng tala; at sa mahabang pagbabagtas ng mga paa, ang bawat pagyapak ay yapak ng tagumpay, at ang mga naiwang bakas ay gunita ng mga karanasan.
Sapagkat patotoo ng malayong inilakbay ang mga yapak sa magkabilang dulo ng pasilyo—
Nagsisimula ang kwentong hiraya ng karamihan sa kinang na itinatampok ng mapagmithing isip. Habang lumalago ang kinang, palapit nang palapit naman sa balangkas ng mga hakbang— dito natatangay ang puso at isipan sa mga dakong hindi pa natutuklasan ng sarili. Sa paglatag ng bawat hakbang, ang pagkatok sa samu’t saring pinto na handog ang iba’t ibang pasilyo ay hindi lang mapakikinggan, bagkus masaksaksihan.
Sa ganitong yugto, ang kabataan ay matutunghayan sa pasilyo ng linangan tungo sa pagiging paham at dalubhasa sa napiling larangan. Mula sa tarangkahan hanggang sa guhit-tagpuan— tangan ang pangarap— inilalaan ang bawat minuto sa walang kapagurang pagbagtas at pag-alpas sa hamon ng pasilyong tinahak— ang kolehiyo.
Hindi man gamay sa simula dahil sa panibagong ruta, sa huli ay naakay naman ang mga paa. Sa ngayon, kung lilingunin ang pasilyong nilakad— hindi man na matatanaw ang kabilang dulo— abot-tanaw naman ang katapusan nito. Mula sa pagiging “freshman” na inakap ang “new normal” na edukasyon noong kasagsagan ng COVID-19, ngayon, isa nang “senior” na handa nang akapin ang pahimakas ng pamantasan at suungin ang totoong mundo. Ngayon, ilang yapak nalang ang kailangang ihulma. Malapit nang malagpasan ang katapusang linya na hudyat ng simula ng pagtupad ng pangarap. Ngayon, maibubulong na sa sarili ang sikat na pariralang “malayo na, pero malayo pa.”
Sapagkat patotoo ng malayong inilakbay ang mga yapak sa magkabilang dulo ng pasilyo—
Bago pa man lumusong, batid ng karamihan na ang mga unang yapak ay hindi basta-basta na lang na maiuukit. Sa pagpapanalo pa lamang ng paligsahan ng talino at kakayahan upang mapagbuksan ng pamantasan ay isa nang malaking pagsubok. Ganoon din ang pagpapanatili ng marka sa antas ng pagiging pasado at pakikipagsapalaran sa “distance learning” o pakikibagay sa bagong bihis na paligid. Marahil, ang ilan ay umabot pa sa punto ng pagpili sa pagitan ng pagpapatuloy at pagbitiw.
Mistula mang prusisyon ng paglilitis ang bawat tagpo nang marahuyo sa una at pangalawang taon sa kolehiyo, ang mga karanasan at emosyon naman na naisabuhay dito ay mahalagang salik sa buong buhay-kolehiyo. Ito ang nagsisilbing saligan upang mapagtagumpayan ang mga nakaambang mas malalaki pang hamon ng pag-aaral. Ito rin ang naggaganyak na lalo pang higpitan ang paghawak sa pinalilipad na guryon.
Sapagkat patotoo ng matatag na pananalig sa pangarap ang mga unang yapak sa bunganga ng pasilyo—
Tulad ng mga naunang yapak, hindi rin naging madali ang paglilok ng mga bakas sa gitnang bahagi ng pasilyo. Sumasabay sa pag-abante ng guryon ang pagsalubong ng hangin. Mas naging mapanghamon ang daanan dulot ng walang katapusang parada ng mga gawain. Ang mga nakaraang tagpong pagsusunog ng kilay ay mas pinaigting.
Sa ikatlong taon sa kolehiyo, kanya-kanyang pagtawid sa madulas na bahagi ng pasilyo ang matutunghayan. Bago pa man makarating sa kasalukuyang lokasyon, namalagi muna sa thesis o internship. Dito nasubok ang kakayahan ng mga yapak na ipinunla: mananatili ba o mabubura at makakahanap ng panibagong pasilyo? Sa ngayon, malinaw ang kasagutan. Ang alimbukad ng sarili ang magpapatunay.
Sapagkat patotoo ng pagpapatuloy ng pangarap ang mga yapak sa gitnang bahagi ng pasilyo—
Ngayong magkadugtong ang mga yapak mula sa bunganga ng pasilyo hanggang sa kasalukuyang lokasyon, batid na nakatawid na sa ikatlong taon sa kolehiyo. Subalit, hindi rito magsisimula ang pagkatuyo ng pasilyo, sapagkat ang thesis o internship pa rin ang pamamalagian sa panghuling taon. Dito muling masusubok ang kakayahan ng mga yapak na ipinunla: mananatili ba o mabubura at makakahanap ng panibagong pasilyo? Sa ngayon, malinaw ulit ang kasagutan— malayo na ang narating at malapit na sa dulo. Ang kahuli-hulihang semestre na papasukan ang magpapatunay.
Sapagkat patotoo ng malayong inilakbay ang mga yapak sa magkabilang dulo ng pasilyo—
Sa paggunita ng karanasan hango sa mga naiwang yapak mula sa sinimulan hanggang sa nasa kung saan, sasalamin ang nalalapit na tagumpay. Ang pagbabagtas ng mga paa ay malapit nang mamahinga. Sa pangalawang istasyon, ang prusisyon ng pangarap ay magsisimula na. At ang parada ay dadako na sa minimithing himpilan— ang kamagi at diploma.
#BehindTheTrades