Kapag papalapit na ang Disyembre, marami sa atin ang natutuwa, halo-halong reaksyon ang makikita.
Ito rin ay isang pahiwatig na matatapos na ang taon, maraming kaganapan ang maaalala, sabay sabi sa sariling “nakaya ko pala.”
Sa buong taon, marami tayong napagdaanan – nalungkot, umiyak sa tuwa at minsan pa nga’y mag isa kung tumawa.
Hindi ko na maalala pa kung ilang beses ako nasubok ngayong taon, umabot sa puntong di ko na alam paano tutugon, at ano ang maaaring solusyon.
Sa kabila ng lahat, isa ang aking ipinagpapasalamat, iyon ay ang aking mga kaibigan; kaibigan na sinamahan ako sa lahat ng kaganapan sa aking buhay.
Naging karamay nang walang hinihinging kapalit at hindi pinilit. Hanggang sa mga araw na akala ko’y di ko na kaya, nariyan sila para sabihing di ako nag-iisa.
Mga kaibigan na siya ko ring naging tahanan, takbuhan kapag ako’y nahihirapan.
Ngayong Pasko, nawa’y masaya sila tulad ko. Hangad ko ang kanilang kaligayahan kagaya ng kung paano nila binigyang buhay ang taon na ito. Sana mas tumagal pa ang aming pagsasama at makaya lahat ng pagsubok na darating pa.
Bigyan sana kaming lahat ng lakas upang magpatuloy, dahil marami pa kaming pangarap at plano na dapat matuloy.
Ayos lang kahit marami pang taon ang magtapos, basta’t hanggang sa huli kami’y magkakaibigan parin at palagi silang kapiling… ‘yan ang tangi kong hiling.