“Welcome Maia and Marco, GMA News’ very first artificial intelligence-generated sportscasters.”
– GMA News, X (o mas kilala bilang Twitter)
Ang artificial intelligence o AI ay ang kakayahan ng isang makinarya na magawa ang mga bagay na naiuugnay lamang noon sa normal na pag-iisip ng isang tao, kagaya na lamang ng pakikiramdam, pangangatwiran, pag-aaral, paglutas sa mga problema, at kahit ang pagiging pagkamalikhain. Ang mga makinaryang ito ay patuloy na bumibilis at nagiging kumplikado.
Sa puntong ito, ang mga kompyuter ay may kakayahan nang gumawa ng kalkulasyon sa isang segundo na kaya lamang ng isang indibidwal sa 31,688,765,000 na taon. Ngunit hindi lamang ito tungkol sa mga kompyutasyon, ang mga kompyuter at iba pang teknolohiya ay nakakaya nang tipunin ang mga kakayahan at pang-unawa na noon ay kaya lamang ng tao. Marahil ay nakasalamuha ng bawat tao ang mga AI nang hindi nila alam— gaya na lamang ng mga voice assistants na sina Siri at Alexa na pinagbasehan ng AI na makikita at maririnig mula sa ating mga telepono.
“Meet Maia and Marco — the Philippines’ first AI Sportscasters!” paghayag ng GMA Network noong ika-24 ng Setyembre 2023 nang inilunsad nila ang pagtatangka sa pagsama sa Artificial Intelligence (AI) sa bawat produksyon ng media, gamit ang AI Sportcasters sa National Collegiate Athletics Association (NCAA) Season 99 Men’s Basketball Tournament.
Sa isang 40-second na video na inilabas ng GMA Network, nagpapakita ng dalawang avatar o pigura ng tao— na mistulang popular na mga artista at sportcasters ng Pilipinas— na nangangakong maghahatid ng “napapanahong balita mula sa malalaking liga sa Pilipinas at sa buong mundo gamit ang generative AI.” Si Maia at Marco ay mga sportcasters na ginawa at nabuo gamit ang AI (image generation, text-to-speech voice synthesis/generation, at deep learning face animation technology).
Ang generative artificial intelligence (AI) ay naglalarawan ng
mga proseso at kalkulasyon na ginagamit sa paglikha ng panibagong ideya, kabilang na ang imahe, tunog o boses, simulasyon, at mga bidyo. Kabilang sa mga makabagong imbensyon sa sangay na ito ay may potensyal na magpabago sa paraan ng paggawa ng mga content.
Nakaaalarma. Nakalulungkot. Nakababalisa.
Imbes na positibo ay ito ang nakuhang reaksyon ng GMA Network mula sa publiko. Ang paggamit ng AI “sportcasters” ay nagpasiklab ng mga reaksyon mula sa mga mamamahayag ng isports na naniniwalang uubusin nito ang tuwa at galak sa pag-uulat sa larangan ng palakasan. Marami ang nagpahayag ng suliranin ukol sa teknolohiyang ito, partikular sa kakayahan ng AI na umenganyo ng mga manonood at sa potensyal na palitan ang mga tao.
“This may add aesthetic appeal as a novelty but heart and soul in sports broadcast is invaluable in bringing the best experience to viewers,” saad ni Mark Zambrano, isang host at sports commentator sa kanyang Facebook post kung saan niya nasabing nakakaalarma ito para sa kanyang trabaho.
“As the leading news organization in the Philippines, we will constantly look for ways to hone our craft while preserving the value of our human assets and the integrity of our reporting.” – Oliver Victor Amoroso, GMA Network senior vice and head of Integrated News, Regional TV, and Synergy.
Bilang tugon sa mga reaksyong natanggap, klinaro ng GMA Network sa isang pahayag na ang mga AI sportscasters ay walang intensyon na palitan ang mga tao. Sa halip, ito ay sinusulong nila na siyang magpapatingkad sa pamamahayag ng isports at magsisilbing “makabagong plataporma” ng pagpresenta ng impormasyon sa publiko.
“Maia and Marco are AI presenters; they are not journalists, they can never replace our seasoned broadcasters and colleagues who are the lifeblood of our organization. We are now living in the age of AI, and other major news organizations worldwide are already using this as a tool to improve their operations,” saad ni Amistoso sa isang pahayag.
Bagama’t hindi na bago sa mundo ang AI-generated na mga taga-ulat sa pangunguna ng Xinhua News Agency ng China (2018) at MBN ng South Korea (2020), maitatatak na ng GMA Network sa kasaysayan ang titulo bilang una sa pagpapakilala ng ganitong teknolohiya sa bansa. Ang Pilipinas ay magiging kabilang na rin sa ilang karatig bansa sa Timog-Silangang Asya kagaya ng Astro Awani ng Malaysia na naglabas na din ng AI na mga taga-ulat noong Mayo at ng TVOne ng Indonesia na gumamit na rin ng teknolohiya ng AI para gumawa ng “tagabasa ng balita” noong Abril.
Hindi isinaad ng GMA Network ang paggamit ng generative AI sa pag-uulat ng mga balita at iba pang programa sa hinaharap, ngunit kailangang magmatyag ng mga mamamahayag at ng publiko sa panibagong simulang ito. Imbes na bumalik sa tradisyunal, dapat na pag-aralan ang pakinabang ng AI at maghanap ng mga paraan para masolusyonan ang mga problemang kakaharapin dito.
Ang AI ay isang makapangyarihang teknolohiya na kayang gampanan ang maraming tungkulin lalo na sa aspetong medisina, edukasyon, pang-aliwan, at kahit sa pamamahayag. Gayunpaman, kahit na maraming benepisyo, maaari nitong makompromiso ang kalidad, integridad, at moralidad ng pamamahayag, at dyornalismo.
Ito na ba ang simula ng pagsulong ng makabagong teknolohiya o ang pag-urong at pagkitil ng kaluluwa ng pagbabalita?