Sa magkakalayong pulo, sa sari-saring kultura, sa pagitan ng mga henerasyon, at sa magkakaibang paniniwala, isang pamana ang nagbubuklod sa ating lahi— ang ating pambansa at mga katutubong wika.
Tuwing buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdaan ni dating pangulong Fidel V. Ramos noong 1997. Ang pagdiriwang na ito ay tanda ng pagpapahalaga sa wikang Filipino bilang instrumento tungo sa makabuluhang pakikipagtalastasan, pakikipag-ugnayan, at pagtataguyod ng kaunlaran ng bansa; at sa naging malaking papel nito sa pagkamit ng kasarinlan noong Himagsikang 1896. Pagpupugay rin ito sa “Ama ng Wikang Pambansa” na si dating Pangulong Manuel L. Quezon na isinilang noong Agosto 19, 1878, na siyang nagsulong sa pagtatatag ng pambansang wika ng Pilipinas— ang “Filipino.”
Ngayong taon, atin muling ipinagdiriwang ang kahalagahan ng wikang pambansa batay sa temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.” Binibigyang-diin nito ang iba pang kaunlarang panlipunan na kayang itala at bigkasin ng ating wika. Samakatuwid, hindi lang ang magkakalayong pulo at magkakaibang kultura ng Pilipinas ang kaya nitong tawirin at ugnayin, kundi maging ang mahahalagang salik sa pagkakaroon ng mainam na lipunan.
Kaya naman, atin pang paigtingin ang paggamit ng wikang Filipino at katutubo. Panghawakan ang panata ng isang makabayan at dakilain ang wikang sa bibig ay lulan, sapagkat, ito’y pundasyon ng kaunlaran at bahagi ng ating pagkakakilanlan.
Mabuhay ang wikang Filipino!