Nakakabinging katahimikan, di alintana ang mga senyales ng propesiya na siyang kikitil ng maraming buhay. Tila Isa lamang normal na araw na aking inilagi sa mundo, di tanaw ang luha at pighati na siyang lulunod sa pinintahang lungsod ng Tacloban. Lingid sa kaalaman ng lahat ang isang masayang mukha ang buburahin ng mga alon at wawalisin ng hangin.
Sa pagbukas ko ng telebisyon, isa na namang bagyo ang tutupig sa kabisayaan na pangkaraniwang aking nararanasan. Wala sa aking isipan ang maghanda sa mga posebleng mga mangyare. Walang taong aligaga sa pagpapanday ng mga kalasag at walang taong nag iimbak ng mga pagkain. Sapat naman ang mga paalala ng mga nakakataas ngunit Isa lamang itong hanging nagbigay paalala ngunit binaliwala ng mga tao.
Sa pagtirik ng alas cuatro, cuarenta y cuatro ng umaga bumulusok ang bagyong Yolanda sa kabisayaan partikular sa tacloban. Dinumog ang kabahayaan at dinaluyong ang kalupaan, linamon ang araw ng dilim at nilupak ang libo libong buhay. Dinagundong ng walang awa ng bagyong Yolanda ang Leyte, Samar at Biliran. Tinatayang labing anim na Milyon na tao sa 40 na probinsya ang apektado sa pagbulusok ng bagyong Yolanda.
Sa nakalipas na siyam na taon, bakas pa rin ang mga sugat na patuloy na naghihilom at luhang patuloy na humuhupa sa puso ng bawat tao. Pilit man ibaon sa hukay ang mga alaala, ito’y naka-ukit na sa mga matang naging saksi sa paglutang ng barko at paglitaw ng lupa.
At isa itong paggunita sa madugong bakbakan sa kalagitnaan ng Hampas ng tubig at pag-alala sa mga buhay na naglaho at pagbibigay respeto sa mga pamilyang nalagasan ng mahal sa buhay matapos rumagasa ang Yolanda. Isang pag-alala sa mga taong naging parte ng pagbangon ng bayang pininturahan. At isang pangyayari na nagbigay pag-asa at katatagan ng bawat tao.
Isa itong malaking paalala sa bawat tao na dapat huwag nating Isa walang bahala ang mga paalala na nagsisilbing instrumento na tayo’y iadya sa mga peligro. Maging handa sa lahat ng pagkakataon, isa puso’t isagawa natin ang mga paalalang magsasagip sa atin.
Hinubog ang ating kalasag, at inukit sa ating mga palad ang pagiging handa. Pinag- TACLOBAN man ng langit at tubig patuloy pa ring bumabangon ang mga paang di makaalpas matapos ang malagim na nangyari sa kabisayaan. Isa itong buhay na kwento na nagsilbing leksyon sa bawat pilipino.
Vincent Joshua Cruz, Aljurenz Obona | Feature Writers
Irvin George Abrina | Layout Artist